2- Nawawalang Pera

1281 Words
XARA'S POV Nang makatapos ako ng sekondarya ay hindi ko na nagawa pang makapag-aral dahil sa layo ng kolehiyo sa aming lugar. Labis na hirap ang aming mga pingdaraanan para lang makapunta sa paaralan lalo na kapag malakas ang ulan at alon dahil kinakailangan pa naming pumalaot ng halos kalahating oras upang marating ang paaralan. Kagaya ko, marami sa mga taga-isla ang hindi nakapagtapos ng kolehiyo. May iba nga na kahit elementarya ay Hindi natapos dahil sa hirap at sa halip ay pangingisda na lamang ang kanilang ginagawa upang matulungan ang kanilang mga pamilya. Ganoon na rin ang aming ginawa ni Esme. Noong una ay kasama ko si Inay na gumagawa ng daing at nagtitinda ng isda sa kabilang Isla na siyang pinakabayan ng probinsya. Nasa harapan kami ng Dagat Pasipiko kung kaya napakarami talagang isdang nahuhuli rito ngunit may pagkakataon pa rin na walang-wala dahil sa sobrang paghuli ng isda at may mga taong gumagamit ng ipinagbabawal na dinamita. Nang dumating na kami sa aming wasting gulang ni Esme ay namasukan na kami sa resort. Magaan lang naman ang trabaho dahil madalang lang naman ang bisita nito. Nililinisan lang namin ang bawat kwarto, may bisita man o wala at may pagkakataon pa na nakakasama akong mamalengke sa bayan para sa mga guests ng resort. Maganda naman ang aming Isla. Payapa, sariwang hangin at ang kapaligiran ay parang may mahikang kaakibat ang paligid pero hindi mo naman ako masisisi na maghangad na makatapak sa ibang lugar lalo na sa siyudad dahil buong Buhay ko ay dito na ako nakatira. Sa tuwing isinasama ako sa bayan ng taong nakatalaga para sa pagkain ng mga guests ay pasimple kong tinatandaan ang aming bawat dinadaanan. Maging ang lugar sakayan at ang bus na patungo sa Maynila. Ilang buwan pa akong nagtiyaga sa pagtatrabaho sa resort at maingat na itinatago ang aking sahod upang makaalis ng Isla. "Xara, magkano sinahod mo ngayon?" tanong ni Esme sa akin nang matanggap namin pareho ang aming mga sahod. "Pitong libo pa rin, eh," sagot ko rito. "Pero ayos na rin kesa sa wala," kibit balikat na dagdag ko. Napakababa ng sahod dahil sa isang buwan na trabaho ay pitong libo lang ang aming sinasahod. Kahit na kakaunti lang ang bisita ng resort ay hindi naman nababawasan ang aming trabaho. "Akala ko ba ay mabait ang may-ari ng resort? Bakit hindi niya dagdagan ang sahod natin? Ang mahal na Ng bigas lalo na ang krudo na ginagamit natin sa bangka kapag pumupunta tayo sa bayan at pangingisda tapos hindi man lang maawa sa atin," reklamo ni Esme habang ibinabalik sa maliit na sobre ang hawak nitong pera. Wala naman kaming magagawa dahil wala naman kaming mataas na pinag-aralan. Mahirap na rin ang magreklamo dahil baka imbis na dagdagan ang aming sahod ay baka mawalan pa kami ng trabaho. "Hayaan mo na, pasasaan din at makakaahon din tayo," tangi kong naging sagot. Pagdating ng dapithapon ay sabay na kaming umuwi ng aming kanya-kanyang tahanan. Pagpasok ko ay naabutan ko si Ate Melba ang asawa ni Kuya Rolan na naghahanda ng masarap na pagkain. Lechon manok, adobong baboy at may softdrinks pa. "Wow, andaming ulam. Anong meron?" tanong ko sa mga ito dahil tila lagpas isang kilo ang baboy na niluto ni Ate Melba. Nakakapagtaka pa dahil hindi naman dito nagluluto si Ate dahil may sarili silang bahay ni Kuya Rolan, ganun din si Kuya Jim. Tanging ako na lamang ang nakapisan kina Nanay sa maliit na kubo na ito. "Nagugutom ka na ba, Xara? Hindi pa luto ang kanin, maghintay ka na lang ng kaunti," sagot lang ni Ate Melba. Napakibit-balikat na lamang ako saka hinanap si Nanay na nasa itaas ng kubo at nagtutupi ng mga nilabhang damit. "Nay, ano pong okasyon at bakit mukhang maraming hinanda si Ate Melba?" tanong ko kay Nanay pagkatapos kong magmano. "Hindi ko alam. Nagpunta sila ni Kuya Rolan mo kanina sa bayan at pagbalik ayan na ang dala," sagot nito. Hindi na ako nag-usisa pa at sa halip ay kinuha ko ang sobre na naglalaman ng aking sahod. Inilabas ko ang limang libo at iniabot iyon kay Nanay. "Nay, ito ho. Panggastos natin sa bahay. Pasensya na po at ito lang ang maibibigay ko," sabi ko pa. "Paano ka? Tama na ba iyang dalawang libo na tira sa iyo?" tanong ni Nanay sa akin na parang nagugulat pa rin kapag ibinibigay ko sa kanya ang malaking halaga ng aking sahod. "Okay na po ito sa akin Nay. Pandagdag ko lang naman po ito sa ipon ko. Hindi po ba ang sabi ko sa inyo noon ay gusto kong makabili ng cellphone." "Anak, bibili ka ng cellphone Wala naman tayong kuryente." "Nay, sa resort po pwedeng maki-charge. Gusto ko lang naman po makita ang iniidolo ko para naman po ganahan ako sa pagtatrabaho," hikayat ko pa kay Nanay. "Bahala ka na kung ano ang balak mong gawin. Pera mo naman iyan at pinaghirapan mo kaya walang problema sa akin," sagot ni Nanay. Isang malawak na ngiti ang sumilay sa aking mga labi saka ko siya niyakap ng mahigpit. "Salamat,Nay. Hayaan niyo po sa susunod na sahod isasama ko kayo sa bayan at bibili tayo ng bago niyong saya." "Hay naku, huwag mo na pag-aksayahan pa ang bagay na iyan. Masaya na ako na may naiaabot ka sa amin." "Nagbibigay po ako para may pandagdag sa gastusin sa bahay at may pambili na kayo ng sakit ninyo sa hika. Walang problema sa akin kung nagbibigay kayo kina Kuya pero sana mag-iwan kayo ng para sa sarili niyo," sermon ko kay Nanay na hininaan ko pa ang aking boses upang hindi marinig ni Ate Melba na nasa kusina at ni Kuya Rolan na nasa labas ng bahay. Hindi naman ako manhid upang hindi makita na pinapaboran ni Tatay si Kuya lalo na noong nagkaroon ito ng kapansanan pero naging tikom lang ang aking bibig. Iyon din ang dahilan kung bakit hindi madalas na napaparito si Kuya Jim kahit pa halos tatlong metro lang ang pagitan ng aming mga bahay. "Hayaan mo na," saway sa akin ni Nanay. Napabuntong hininga na lamang ako saka kumalas mula sa pagkakayakap. Pumunta ako sa lumang aparador kung saan nakalagay ang aking damit. Mula sa pinadulong bahagi ng damitan ay inilabas ko ang isang kahon kung saan ko inilalagay ang aking mga kwintas, larawan at iba pang mahalagang bagay para sa akin. Doon ko rin kasi itinago ang aking ipon. Nananabik kong binuksan iyon upang sana mabilang na kung magkano na ang halaga ng perang aking naipon sa loob ng ilang buwang pagtatrabaho sa resort. Balak kong bumili ng cellphone, bagong damit ko at syempre gamit na para kay Nanay. Balak ko rin na kapag nakabili na ako ng cellphone ay saka naman ako mag-iipon ng pera para makarating ng Maynila. Base kasi sa aking naririnig, hindi biro ang gastusin sa Maynila kung kaya kapag nagbabalak na magpunta roon ay kinakailangan ng malaki-laking pera. Ang ngiti sa aking labi ay bigla na lang nawala nang makitang wala na sa loob ng kahon ang supot ng pera na aking pinaghirapan ng ilang buwan. Nabitawan ko ang kahon at hindi magkanda-ugaga sa paghanap ng pera ko habang malakas ang kabog ng aking puso. Hindi maaari, hindi pwedeng mawala ang pera ko! Nasira na ang mga damit na maayos na nakatupi sa loob ng aparador. Tinanggal ko na rin ang iba pang gamit doon pero bigo akong makita ang aking pera. "Xara, ano ba iyang hinahanap mo? Nagulo mo na ang damitan na kanina ko pa inaayos," saway sa akin ni Nanay. "Nay, nawawala po ang pera ko. Nawawala ang inipon ko," Hindi ko na napigilan pang mapaluha dahil sa labis na pagkabigo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD